Hindi planado ang ginawang kabutihan ng isang grupo ng estudyante sa Rosario, Cavite, para sa batang nakasabay lang nila bumili ng tusok-tusok.
Sa Facebook post ng isa sa magto-tropa na si Thirdy Dela Torre III, ibinahagi niya na naisipan lang nilang bumili ng “KFC” o kanto fried chicken nang dumating ang bata na bumili nang tig-kwatro pesos.
Nakaramdam daw si Dela Torre ng lungkot nang mabakas sa mukha ng bata ang gutom at malamang pumapasok pa ito sa eskwela nang naka-yapak.
Kaya napagdesisyunan nilang ibalik ang ibinayad ng bata sa tusok-tusok at ilibre ito ng maraming fried chicken.
Hindi pa nakuntento ang magto-tropa kaya binilhan din ng tsinelas at puting t-shirt pamasok, at laruang bola ang bata.
Nagpasaring naman ang uploader sa mga taong nagrereklamo sa mga lumang kagamitan, habang may mga tao aniya na walang-wala.
“Nakakainis lang isipin na ‘yung iba d’yan, nagrereklamo kesyo luma na raw ‘yung ganito niya, luma na raw ‘yung ganyan.. juskoooo nag-iinarte ka pa, buti nga ikaw may ganyan ka eh, napaka-blessed mo na kayaa, kung alam mo lang,” aniya.
Dagdag pa ni Dela Torre, hindi para magpasikat ang pagbabahagi niya nito sa social media, kundi para anyayahin ang iba na “maging bukas sa pagtulong sa kapwa lalo na sa mga bata.”