VIRAL: Bisikleta nagsilbing bridal car ng bagong kasal sa GenSan

895
Screenshot via Facebook/Laurenz Julian Suarez

Pumukaw ng atensiyon ang isang bagong kasal sa General Santos City, South Cotabato dahil sa kakaibang konsepto ng kanilang bridal car.

Dahil sa halip na kotse, bike ang sinakyan ng mag-asawang Ramil at Emerita Quicio papunta sa reception ng kasal nila nitong Biyernes ng hapon.


Sa bidyong kuha ni Laurenz Julian Suarez, makikitang may bulaklak na nakasabit sa paligid ng bisikletang ginamit.

Maririnig rin ang masayang pagbati mula sa pamilya, kamag-anak at kaibigan ng bagong mag-asawa.

Sandaling napahinto ang pagbibisikleta nina Ramil at Emerita dahil na-flat umano ang gulong nito.

Kuwento ng dalawa, may espesyal na rason bakit bike ang napili nilang bridal car.



Ayon kay Emerita, ‘yun ang ginagamit ni Ramil sa araw-araw para makapasok sa pinagtratrabahuang construction site at nabubuhay sila dahil sa tulong ng bisikleta.

Nagtratrabaho si Ramil bilang welder.


Bago magpakasal, isang taon na silang nagsasama. Na-biyuda noon si Emerita at may limang anak at 14 na apo, samantalang single naman si Ramil.

Umabot na sa mahigit 1,000 likes at 22,000 views ang bidyong pinost ni Suarez sa Facebook.

Facebook Comments