“Madali naman kitain ‘yung pera, Ma’am.”
Ito raw ang prinsipyo ng grab driver na hinahangaan ngayon sa social media dahil sa mga libreng pagkain at kagamitan para sa kanyang mga pasahero.
Ibinahagi ng netizen na si Che Rubio-Abando ang nakatutuwang karanasan niya nang maging pasahero ng Grab driver na si JP Curada Secarro.
Kuwento ni Che, nagkataon naman na wala pa raw siyang almusal noong araw na iyon kaya tinanong niya kung magkano ang mga pagkain sa loob.
Sinagot siya ng driver na libre ang lahat, at inalok pa ng mineral water.
Bukod sa mga makakain, kumpleto rin daw si kuya JP ng mga gamot para sa sakit ng ulo at pagkahilo, may tissue, wet wipes, polbo, at mga liniment oil.
In case of emergency sa mga babaeng pasahero, may dala-dala ring sanitary pads ang driver, mga ekstrang damit at pants.
Paano kung uubusin ng pasahero? Paano kung may manamantala?
Naikuwento ng driver na minsan na siyang may naisakay na inubos ang halos P3,000 halaga ng pagkain at magazine; kapalit nito ang P80 na pamasahe.
Gayunpaman, positibo pa rin si kuya JP at ikinatuwa niya nang nagpasalamat ang pasahero dahil may maipapabaon na raw na pagkain sa kanyang mga anak.
“Bumaba sya na nagpasalamat pa dahil may mga baon na daw yung anak nya. Sakin naman ma’am madali naman kitain yun. I’m not into money naman talaga masaya lang talaga ko sa ginagawa ko. Tsaka ‘yung mga food, ‘pag may namamalimos, ‘yan na rin pinangbibigay ko,” sabi ni kuya JP ayon kay uploader.
Umani ng papuri ang driver sa post na umabot na sa 39K likes at 23K shares.
Maraming natuwa sa paraan ng pagtulong ni kuya JP, at may mga sumang-ayon sa katwiran niya.
Ika nga ng isang netizen na nagkomento: “Tama ‘yan, ang pera madaling kitain, pero ‘yung tulong na ginawa mo sa kapwa mo, ‘di ‘yun nababayaran.”