ANGELES CITY, PAMPANGA — Nagtangkang magpakamatay ang isang lalaki sa pamamagitan ng pagtalon sa Abacan Bridge noong Linggo dahil wala na raw siyang mapakain sa kaniyang pamilya simula nang ipatupad ang enhanced community quarantine.
Sa kabutihang palad, napigilan ni Police Pat. Robert Leonardo ang planong pagpapakatiwakal ni “Lorenz”, hindi niya tunay na pangalan.
Ayon kay Leonardo, nagmamando siya noon sa Barangay Marisol nang i-report sa kaniya ng isang motorista na may lalaking tatalon sa tulay.
Kaagad pinuntahan ng pulis ang lokasyon ni “Lorenz” at nang makitang nakaupo na ito sa barandilya ng tulay, hinawakan niya ang shorts nito.
Masinsinan ang naging pag-uusap ng dalawa hanggang sa dumating na ang pamilya ng lalaki.
Dinala rin siya ng operatiba sa Rafael Lazatin Medical Center bunsod ng matinding panginginig.
Ipinost naman ng isang estudyante sa social media ang video at larawan ng insidente upang humingi ng tulong para kay “Lorenz” at purihin din si Leonardo.
Base sa salaysay ng kaanak at kaibigan ng lalaki, na-depress ito dahil wala siyang kinikita ngayon at hindi matustusan ang pangangailangan ng mag-iina niya.
Nagtratrabaho raw ito sa junk shop at nakatira sa barong-barong malapit sa Abacan Bridge.
Bilang tugon sa sitwasyon ni “Lorenz”, isinama siya ng Angeles Police sa programang “Adopt a Family”, at nabigyan ng isang sakong bigas at mga delatang pagkain.
Sa mga nakakaranas ng depression, huwag mag-alinlangan sumanggi sa malalapit na kaibigan at espesyalista.
Maari din kayong tumawag sa “Hope Line” ng Natasha Goulbourn Foundation na katuwang ng Department of Health:
- (02) 804-HOPE (4673)
- 0917-558-HOPE (4673) or (632) 211-4550
- 0917-852-HOPE (4673) or (632) 964-6876
- 0917-842-HOPE (4673) or (632) 964-4084