Monday, December 23, 2024

VIRAL: Litrato ng batang 5 taon na tumabi sa kabaong ng ama

Courtesy Facebook/Marco Andres
Halos madurog ang puso ng netizens sa sinapit ng isang limang taong gulang na bata mula sa Novaliches, Quezon City.

Sa ibinihaging larawan ni Marco Andres, makikita ang batang si Yvo na tumabi sa kabaong ng nasawing ama. Ang kanyang ina ay sumakabilang buhay na din noong pitong buwang gulang palang siya.

“He lost his mom when he was 7 months old and now lost his dad at the age of 5. This is heartbreaking to see.,” caption ni Andres sa Facebook post.

Noong Sabado, naaksidente habang nagmomotor ang 24 taong gulang na tatay ng bata. Nagpakamatay naman ang nanay nito sa edad na 21.

Sa panayam ng GMA News sa lola ni Yvo, sabik na ang mag-ama sa darating na pasukan. Ihahatid at susunduin niya ang supling ngunit ito ay maninitiling pangarap na lamang.

“Excited talaga kasi ‘yun lang ang anak niya e. ‘Yun lang babantayan niya, ‘yun lang ihahatid niya, ‘yun lang susunduin niya. ‘Yun lang talaga binibigyan niya ng atensiyon e, ‘yung anak niya. Kaya paano na ngayon?” pahayag ni Nelly Sumalyo.

Bakas kay Yvo ang matinding pangungulila sa pinakamamahal na magulang.

‘Yung apo ko kasi, kapag madaling araw kami-kami na lang dito sa burol ng anak ko, lumalapit sa kabaong. Siguro nami-miss ‘yung papa niya dahil araw-araw sila magka-bonding,” dagdag pa ng lola.

Kuwento ng kumuha ng litrato na tiyuhin ni Yvo, nagulat siyang kumuha ng upuan ang bata at tinabihan ang kabaong ng ama. Tinanong niya kung anong ginagawa doon at nakakaiyak na tugon ang sinabi nito.

“Dito lang ako kasi kawawa naman si Papa Tin e. Dito muna ako. Dito ako lalaro sa tabi niya.”

Madalas niyang tignan ang kanyang ‘Papa Tin.’

“Tinitignan ko po. Kasi wala na po siya. Andun na po siya sa heaven kasama niya sila Nanay. Nami-miss ko na po siya,” banggit ni Yvo.

Pangako ng kapamilya ng bata, aalagaan at ibibigay nila ang buong pagmamahal para manatili itong masaya.

Sa kasalukuyan, umabot na sa 82,000 likes at 52,000 shares ang nakaaantig na post. Sa mga nais tumulong kay Yvo, maaring magpadala ng mensahe kay Marco Andres sa Facebook.

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Facebook Comments