Ang pagtatalo at pananakit, nakuhanan ng bidyo ng mismong tsuper na inagrabyado.
Sa video na mabilis nag-viral sa internet, mapapanood ang sagutan sa pagitan ng drayber na si Ed Tugade at pasaherong nakasuot ng puting t-shirt na si Jan Jervi Mercado.
Mahinahon na ipinaliliwanag ni Tugade sa mga nambugbog na apat lamang na katao ang puwede niyang isakay, batay sa polisiyang ipinatutupad ng Grab.
Habang sumasagot si Mercado na bata lamang ang ika-limang pasahero, dinuduro at binubulyawan niya si Tugade.
Hinampas ng kasintahan ni Mercado na kinilalang si Rhea Sangil ang kamay ng tsuper dahilan para mahulog ang cellular phone nito.
Maliban sa suntok, tinadyakan at sinira ng lalaking pasaway ang minamanehong sasakyan ng Grab driver kaya nayupi ito.
Nasa kustodiya na ng awtoridad ang magkasintahan at sinampahan ng kasong physical injury at malicious mischief.
Ayon sa pamunuan ng Grab Philippines, alinsunod sa safety standards ng car manufactures, apat lamang talaga ang maaring sumakay sa kanilang Grab car service.