VIRAL: Matandang lalaki, ginulpi dahil inakusahang nambastos ng babaeng pasahero

9965
CCTV footage ng pambubugbog sa lalaking nambastos umano ng pasaherong babae.

Bugbog ang inabot ng isang matandang lalaki matapos mapagbintangan nanghipo at nambastos ng kapwa-pasaherong babae.

Pero ang umano’y pambabastos na ginawa ng pasaherong lalaki, taliwas sa kuha ng CCTV.


Sa CCTV footage, makikitang bahagyang na-out of balance si Alexander Butal, 53-anyos, nang makasakay sa e-jeepney.

Habang nakahawak sa hand rail si Butal, muli siyang gumewang papunta sa direksyon ng babaeng nagrereklamo.

Doon na lumipat ng puwesto ang dalaga at nagsumbong pa sa drayber na binabastos umano siya.

Bago bumaba, inundayan siya ng suntok ng babaeng commuter at ginantihan niya ito ng tadyak.

Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang nagrereklamo kasama ang tatay niya at ilang tambay at walang-awang ginulpi si Butal.

Nangyari ang pambubugbog bandang alas-11:30 ng gabi noong Huwebes sa Brgy. Bambang, Taguig City.

Ayon kay Butal, hindi niya hinipuan o binastos ang dalagang pasahero.

Giit pa niya, siya ay na-off balance dahil mahina na ang pangangatawan.

Bakas pa mukha nito ang tinamong pasa at bugbog sa naturang insidente.

Depensa ng dalagang nagrereklamo, hindi nakita sa CCTV na hinawakan siya sa tagiliran at nahipuan siya sa binti ng matandang nakaalitan.

Plano niyang sampahan ng kasong cyberbullying ang mga netizen na nagbabanta sa kanilang buhay.

Samantala, hindi makikipag-areglo si Butal at mga kaanak niya sa mga taong nang-agrabyado sa kanila.

Facebook Comments

From Advertisers