Idinaan sa social media ng isang concerned citizen ang kaniyang sama ng loob sa isang bus company na hindi umano nagpasakay ng mga Aeta.
Umani ng mahigit 60,000 likes at shares at libu-libong reaksyon mula sa netizens ang kuwento ni Mikhael Petito sa mga katutubong naghihintay ng pampublikong sasakyan sa isang waiting shed sa Pasay City.
Kuwento nila kay Petito, tinanggihan silang isakay ng dalawang konduktor ng airconditioned bus na biyaheng norte. Papunta raw ang mga Aeta sa Sta. Cruz, Pampanga.
Hindi rin umano ipinaliwanag ng mga kundoktor kung bakit ayaw sila pasakayin sa nasabing bus.
Mabuti na lamang daw, may dumaan na mini ordinary bus at pinayagang sumakay ang mga pasaherong katutubo.
“Hindi ko naabutan yung hindi sila sinakay. Ready na akong makipagbalyahan at isakay sila sa susunod na bus. Hi Victory Liner, Inc., may existing rules ba kayo na namimili ng sasakay? Sa mga nagtatanong, Aetas po sila hindi po mga insane or what. Aetas are indigenous people po from Luzon,” bahagi ng Facebook post ng binata.
Dismayado naman ang ilang social media users sa ipinakitang asal ng mga kundoktor at drayber.
Wala pang inilalabas na pahayag ang pamunuan ng Victory Liner kaugnay sa nakalulungkot na insidente.