VIRAL: Mga Pinoy, nag-ambagan para sa mga kababayang nakulong

Courtesy Belinda Paulino

BAHRAIN – Viral ngayon sa social media ang video ng mga overseas Filipino worker (OFW) na nagbigay ng tulong pinansyal sa mga kapwa OFW na sinasabing nakulong sa Saudi Arabia sa krimeng hindi ginawa.

Sa kuhang video ni Belinda Paulino noong Huwebes, makikitang nangongolekta ng pera ang kanilang grupo na iaabot sa mga kababayang pabalik ng Pilipinas.

Umabot sa P30,000 ang perang nalikom ng mga good samaritan na ipinabaon sa mga nakilalang OFW habang naka-stop over sa paliparan.


Kuwento ng tatlong lalaki sa uploader, na-frame up sila ng mga kasamahang Arabo, dahilan para mabilanggo nang mahigit isang taon.

Bunsod ng hindi inaasahang insidente, naubos raw ang kinita ng mga ito at walang maiuuwi sa kani-kanilang pamilya.

Sinabi din ni Paulino na nakakuha pa sila ng dagdag P30,000 mula sa mga pasaherong kasabay sa eroplano. Ipapadala daw nila agad ang salapi para makatulong sa mga kababayang nakalaya.

Bumuhos naman ng papuri sa comment section ng babae at umani ng mahigit 16,000 shares at 27,000 likes ang naturang Facebook post.

Facebook Comments