MAYNILA – Nilinaw ng Ermita police na ang banyagang natagpuang nakabulagta sa bangketa ng Remedios St. sa panulukan ng Padre Faura ay isang Koreanong nakatulog dulot ng sobrang kalasingan.
Pahayag ng station commander na si Police Lieutenant Colonel Arnel Caramoan, personal na nagtungo sa himpilan nila ang banyaga at sinabing nababahala siya sa paglipana ng litrato at video niya sa social media.
Pinabulaanan din ng lalaki ang impormasyong kumakalat na maaring tinamaan siya ng nakakahawang sakit na novel coronavirus (2019-nCoV).
Matatandaang naging viral online ang sitwasyon ng Koreano na umano’y hindi tinulungan ng mga pulis, health workers, at emergency responders.
Sa Facebook live post ni Zaldy Maguigad noong Sabado, makikitang nakahandusay ang dayuhan sa kalye at nanginginig na raw ito.
“Natumba po siya, may fever panigurado ko kasi nanginginig. Pero buhay pa po siya. Sana maaksyunan po, pakalat na lang po mapuntahan,” saad ng concerned citizen na isang health professional.
Sinabi ng uploader sa isang panayam na tumawag siya sa mga emergency hotlines at pagamutan pero wala daw rumesponde.
Naisipan daw niya at ilang mga residente na lagyan ng kordon ang paligid para sa ikakabuti ng lahat.
Makalipas raw ang ilang oras, dumating sa lugar ang awtoridad at barangay subalit wala na ang banyang nakahilata. Ang tanging nakita na lamang sa bangketa ay mga gamit nito.