Viral na guwardiya na nagpakilalang pulis, nag-sorry sa tinderong nakaalitan

From Jefrey Kabuganoka

Matapos mag-viral sa social media, lumantad na sa unang pagkakataon ang security guard na nakunang sinisindak ang isang sidewalk vendor sa Barangay Morning Breeze, Caloocan City nitong linggo.

Base sa ulat ng “Stand For Truth”, humarap sa camera ang sekyu na si Rex Baltisoto para humingi ng tawad sa nakaalitang si Arnold Malate.

Paliwanag ni Baltisoto, pinagalitan siya ng tindero makaraang ibalik ang naisawsaw at bibilhin sanang street food na aniya kulang ang nakatusok na laman.


Ayon pa sa guwardiya, nagpakilala siyang pulis nang makita niya ang kasamahan ni Malate na tila may binubunot sa ilalim ng lamesa.

Lasing umano siya at may problemang pampamilya nang maganap ang insidente.

Gayunpaman, labis raw ang pagsisisi ni Baltisoto sa nagawa at umaasang maaayos na ang gulo sa pagitan nila ng sidewalk vendor.

Tatanggapin niya rin ang anumang hatol ng kampo ng lalaking nakaaway.

Sa isang panayam, inamin ni Malate na dapat may kukunin patalim ang kapwa-tindero pero pinigilan niya ito at sinabihang pabayaan na lamang ang guwardiya.

Nauna nang nabatid ng kinauukulan na puwedeng sampahan ng kasong administratibo ang sekyu bunsod ng ginawang pagpapanggap bilang pulis.

Facebook Comments