VIRAL: Nagpakilalang doktor, nagwala sa loob ng bus dahil nagasgasan sa braso

From Gwen Quizon

Viral sa social media ang video ng isang nagpakilalang doktor na nagwala sa loob ng bus dahil nagasgasan raw ang braso niya ng kapwa-pasahero.

Sa nasabing footage, maririnig na sumisigaw ang umano’y manggagamot habang kinakausap ang konduktor ng pampublikong sasakyan.

Ayon sa doktor, tinamaan daw siya ng bag na dala ng isang batang babae, dahilan para masugatan ang nasabing parte ng katawan.


Sinabi daw ng lalaki na idedemanda niya ang taong nakagasgas sa kaniya at papaluin rin ito ng bote.

Batay sa Facebook post ng concerned citizen, kinompronta ng nanggagalaiting pasahero ang pamilya ng musmos.

Makailang beses humingi ng tawad ang kaanak dahil sa hindi sinasadyang insidente pero tuloy pa din sa pangungutya ang umano’y doktor.

Dito na umano pumalag ang mga kasama ng bata at sinabing sabay-sabay silang bumaba ng bus para dumulog sa barangay.

Maging ang ilang pasahero, pinababa na ang nagwawalang lalaki at hiniritang magsumbong na sa kinauukulan.

Nakasaad sa post na naganap ang komosyon bandang alas-9:30 ng gabi noong Huwebes sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.

Umabot na sa mahigit 3 million views ang nakunang alitan sa loob ng bus.

Sa ngayon, inaalam pa ang pagkakakilanlan ng mga nasa viral video.

Facebook Comments