Viral road rage sa QC, iimbestigahan na ng Senado sa susunod na linggo

Iimbestigahan na sa susunod na linggo ang viral road rage sa Quezon City na kinasangkutan ng retiradong pulis na si Wilfredo Gonzales at ng isang hindi pinangalanang siklista.

Ayon kay Senator Ronald “Bato” dela Rosa, sa susunod na Martes idaraos ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs na kaniyang pinamumunuan ang pagsisiyasat sa nangyaring road rage incident.

Sinabi pa ni Dela Rosa na ipatatawag pa rin si Gonzales sa pagdinig ng Senado kahit pa nakipag-areglo na ang siklista at ayaw nang maghabla ng kaso.


Samantala, umaasa naman si Senate President Juan Miguel Zubiri na magiging daan ang pagsisiyasat ng Senado para matigil na o hindi na maulit ang kahalintulad na insidente.

Sa gagawin din aniyang imbestigasyon ay dito ibabatay ang kasong posibleng isampa laban kay Gonzales.

Ang gagawing imbestigasyon ng Mataas na Kapulungan sa nag-viral na alitan sa lansangan ay salig na rin sa Senate Resolution 763 na inihain nina Zubiri at Senator Pia Cayetano.

Facebook Comments