Viral TikTok live video ng guro na pinapagalitan ang kanyang mga estudyante, iimbestigahan na ng DepEd

Iimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) ang nag-viral na TikTok live video ng umano’y guro na pinapagalitan ang kanyang mga estudyante habang nasa loob ng classroom.

Ayon kay DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas, hinihintay pa nila ang kumpletong incident report ng pangyayari upang mabigyan ito ng kaukulang aksyon.

Base sa kumalat na video, maririnig na sinabihan ng babaeng guro ang kanyang mga estudyante ng “walang mararating sa buhay,” “ugaling iskwater,” “ingrato,” at “makapal ang mukha.”


Sinabi rin nito na hindi sila binabayaran para maging tao-taohan at hindi irespeto, habang hinamon din nito ang mga estudyante na kumuha ng board exam para malaman ng mga ito ang pinagdaanan niya.

Base sa child protection policy ng DepEd, ang anumang salita o aksyon na nagmamaliit o umaatake sa dignidad ng isang batang mag-aaral ay itinuturing na child abuse.

Samantala, nanawagan naman ang Teachers’ Dignity Coalition sa publiko na alamin muna ang buong detalye sa likod ng video bago manghusga.

Iginiit din ng grupo na hindi ito ang unang pagkakataon na may kinaharap na kaparehong kaso ang mga guro dahil napaka-sensitive na ngayon ng mga bata maging ng kanilang mga magulang.

Facebook Comments