Viral video ng isang barangay officer sa QC na nagsasabing bakunado lang ang bibigyan ng pass, pinaiimbestigahan ng QC government

Nilinaw ng Barangay and Community Relations Department (BCRD) na isolated case lamang ang pagkakamali ng isang barangay officer sa Quezon City na nagsabing ang mga residenteng bakunado lamang ang mabibigyan ng quarantine pass na magagamit sa buong panahon ng lockdown.

Ang paglilinaw ng BCRD ay kasunod ng kalituhang idinulot ng maling pahayag ng babaeng empleyado sa Barangay Central, QC.

Ayon kay BCRD Head Ricky Corpuz, malinaw umano sa inilabas nilang panuntunan na mabibigyan ng Quarantine Pass o QP ang lahat ng household sa lungsod at walang maiiwan.


Pero aminado si Corpuz na mas prayoridad nilang maiisyu ang QP sa mga nabakunahan na laban sa COVID-19.

Paliwanag ng opisyal, halimbawa aniyang wala pang vaccinated sa isang bahay ay ibibigay ito sa pinaka-kwalipikadong lumabas sa panahon ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Dagdag pa ni Corpuz na dapat ay malinaw na ito sa bawat barangay dahil nagpatawag na sila ng Zoom meeting para dito.

Ipinaubaya nalang umano ni Corpuz kay Barangay Central Chairman Rosa Magpayo kung bibigyan ng Disciplinary Action ang nagkamaling empleyado.

Facebook Comments