Hinikayat ni Kabayan Partylist Representative Ron Salo na payagan ang pagsasagawa ng “virtual” wedding ceremonies sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Sa isinusulong nito na House Bill 7042, pina-aamyendahan ng kongresista ang Family Code para maisama ang virtual presence kung saan maaaring hindi na personal ang presensya ng couple sa magkakasal.
Sinabi ni Salo na maraming kasal ang naudlot dahil sa pagbabawal sa mass gatherings at pagpapatupad ng physical distancing.
Para matiyak naman na authentic ang certificate of marriage, dapat ipa-notaryo ito bago iparehistro sa local civil registrar.
Ang virtual marriages sa pagitan ng mga Pilipino sa abroad ay maaaring isagawa ng Consul-General, Consul o Vice-Consul ng Pilipinas o kahit ng mga pari o religious leaders na nasa Pilipinas.
Base sa nakasaad sa Family Code, sa seremonya ng kasal ay obligado ang bawat partido na humarap sa solemnizing officer at ideklara na kusang-loob nilang tinatanggap ang bawat isa bilang mag-asawa.