Manila, Philippines – Pinatatapyasan ng Visayan Bloc sa Kamara ang buwis na ipapataw sa sugar sweetened beverages.
Nais ng Visayan Bloc na ibaba sa limang piso kada-litro ang buwis sa mga sweetened beverages mula sa ipinapanukalang sampung pisong buwis kada litro.
Ayon kay Negros Occidental Rep. Albee Benitez, magsusumite sila ng amyenda sa Lunes para mabawasan ang bigat ng epekto ng dagdag na buwis.
Paliwanag ni Benitez, bagamat nauunawaan nila ang katwiran ng gobyerno na health measure ang probisyong ito ng tax reform ay papatayin naman nito ang sugar industry.
Bukod dito, isusulong din ng Visayan Bloc na magkaroon ng probisyon ang tax reform bill na otomatikong sususpindehin ang pagpapataw ng dagdag na anim na piso sa kada-litro ng produktong petrolyo kapag pumalo sa 80 dollars per barrel ang presyo ng langis sa pandaigdigang pamilihan.
Paliwanag ni Benitez, kailangang magkaroon ng ganitong mekanismo bilang proteksiyon sa publiko dahil hindi na kakayanin kung mataas na ang presyo ng produktong petrolyo at papatawan pa ng mataas na buwis.
DZXL558