
Muling ipinaalala ng Urdaneta City Police Office ang kahalagahan ng mas mataas na antas ng pagbabantay, maayos na deployment ng mga pulis, at tuloy-tuloy na visibility patrols, lalo na sa mga matataong lugar. Binigyang-diin din ang mahigpit na koordinasyon sa iba pang law enforcement units at force multipliers upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng seguridad.
Tinalakay rin ang mahigpit na pagsunod sa mga itinakdang security protocols bilang susi sa maagap na pagtugon sa anumang insidente. Ayon sa pamunuan, ang disiplina at kahandaan ng bawat personnel ay mahalagang salik upang mapanatili ang tiwala at kaligtasan ng publiko, lalo na sa panahon ng pagdiriwang.
Bukod sa operasyonal na usapin, pinaalalahanan din ang lahat ng kawani na manatiling magalang, disiplinado, at maagap sa pagtupad ng kanilang tungkulin. Aniya, ang propesyonalismo at malasakit sa serbisyo ay mahalaga sa epektibong pangangalaga sa komunidad.
Sa pagtatapos ng briefing, nagpaabot ng pagbati ang hepe ng himpilan sa lahat ng personnel, kasabay ng hangaring maging masaya, ligtas, at masagana ang Bagong Taon para sa kanila. Pinuri rin niya ang patuloy na dedikasyon ng kapulisan sa paglilingkod sa mamamayan at sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa Urdaneta City.







