Sa nalalapit na pagsisimula ng official campaign period para sa mga kandidato sa mga national na position sa Pebrero 8, nanawagan si dating Speaker Alan Peter Cayetano na bawat botante ay dapat kilatisin ang Vision, Plano at pinaniniwalaang values ng bawat kandidato lalo na ang “Presidentiables”.
Sa panayam sa RMN News, iginiit ng beteranong mambabatas na hindi sapat na magbigay ng mga “motherhood statement” ang presidentiables, kailangan aniya ay may ipakitang kongretong plano at pati kung saan kukunin ang pondo para matiyak na mapapatupad ang mga programang ilalatag.
Dapat aniyang maging malinaw ang posisyon ng ating presidentiables sa mga paraan ng pagkuha ng pondo.
Nababahala si Cayetano na baka sa mga sugal tulad ng e-sabong, at e-casino manggaling ang pondo dahil mas makakasama ito sa mga taumbayan.
Nababahala umano si Cayetano na baka ang plano pala ng ibang kandidato ay palaganapin ang sugalan sa bansa tulad ng Macau at Las Vegas para tumaas ang kita ng gobyerno.
“Madaling sabihin na gusto nilang maging number 1 sa turismo at habulin ang Thailand pero paano nila gagawin yun kung walang plano sa pagkukunan ng pera,” pahayag ni Cayetano.
Suportado ni Cayetano ang pagdadaos ng iba’t ibang presidential forum at debate para makatulong sa mga botante na mapag-aralan ang kalidad at character ng bawat kandidato.