Ginamit ng kampo ni United States Marines Lance Corporal Joseph Scott Pemberton ang Visiting Forces Agreement (VFA) para gawaran siya ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Si Pemberton ang pumaslang sa Pinay Transgender na si Jennifer Laude noong 2014 at hinatulan ng hanggang 10 taong pagkakakulong.
Sa interview ng RMN Manila, ipinaliwanag ni Justice Undersecretary Markk Perete na ito ang ginamit na argumento ng kampo ni Pemberton para ipag-utos ng korte na bilangin ang kanyang GCTA.
Pero para sa mga ordinaryong convicts, sinabi ni Perete na ang Bureau of Corrections (BuCor) ang siyang nagbibilang ng kanilang GCTA.
Sinabi rin ni Perete, hindi gugulong ang release order ng Olongapo Regional Trial Court para kay Pemberton habang may nakabinbing motion for reconsideration na inihain ng pamilya Laude.
Ang VFA ay isang bilateral na kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at US na nagbabalangkas ng mga termino at kundisyon sa pagpasok at pagbisita ng armadong pwersa ng US sa bansa, na nagbibigay daan para sa mga aktibidad tulad ng Balikatan, o malakihang joint military exercises.
Nabatid na ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang termination ng VFA sa Estados Unidos dahil sa pangingialam nito sa internal affairs ng Pilipinas pero sinuspinde ang pagpapatupad nito sa loob ng anim na buwan.