Vlogger na hinimok ang mga residente na lumabas ng bahay, pinagalitan

Courtesy of CDO Regulatory Compliance Board

CAGAYAN DE ORO CITY – Matinding sermon ang inabot ng isang vlogger mula sa kinauukulan makaraang “himukin” ang mga residente na lumabas ng kani-kanilang tahanan kahit may ipinatupad na “stay-at-home” policy sa siyudad.

Nagtungo ang mga kawani ng City Regulatory Compliance Board nitong Sabado sa bahay ng vlogger na si The Wonder Boy upang pagpaliwanagin hinggil sa kontrobersiyal na post.

Sa video na ipinost noong Huwebes, sinabi ng lalaki na “walanghiya” ang umiiral na lockdown at hinikayat ang mga tao na lumabas. Nakapuwesto siya sa protection dike ng Macabalan River kung saan matatanaw ang ilang paslit na lumalangoy.


Agad nag-viral sa social media ang post na umabot sa mahigit 12,000 views at 500 shares.

Hindi naman lumusot sa awtoridad ang dahilan ng vlogger na nagbibiro lamang siya sa uploaded video.

Kasunod nito, naglabas ng public apology ang binata at pinayuhan ang publiko na manatili muna sa tahanan para maiwasan ang pagkalat ng kinatatakutang virus.

Sa huling datos ng City Health Office, dalawang residente ang nagpositibo sa COVID-19 na sinasabing nakuha raw sa labas ng lungsod.

Facebook Comments