Ibinahagi ng isang restaurant sa San Pedro, Laguna ang pambibiktima rito ng isang customer para sa ginagawa raw na “prank video”.
Sa Facebook, inilabas ng Chacha Special Binalot sa Dahon ang screenshot ng usapan nito sa isang Reynan Ganete, na tila fake account ang gamit.
Um-order ang nagpakilalang “vlogger” ng pagkain na nagkakahalagang P1,061 at nagpaalala pa na magdala ng panukli sa P1,500.
Nang malapit na sa ibinigay na lugar ang delivery man, saka sinabi ng customer na “cancel na po” dahil “magpa-pancit canton na lang” daw sila ng kanyang pinsan.
Nagpaliwanag ang restaurant na hindi puwedeng bawiin ang order na dahil naluto at naihatid na, pero ikinatwiran pa rin ng customer ang “pabago-bagong isip” ng kanyang pinsan.
Sinabi rin ng restaurant na inabutan pa ng ulan ang rider para maihatid ang pagkain sa lugar na napag-alamang peke rin pala.
Tila wala namang pakialam dito ang customer na sumagot ng, “It’s a prank! Para po sa blog namin. Hehe. Thank you for being a sport”
‘Di naman nakapagpigil ang restaurant na sermunan ang fake customer na wala anilang konsiderasyon sa negosyo ng iba at sa naghahanap-buhay na rider.
“Sa lahat ng nangyayari satin may ganito pa palang tao… Pa-close na kami hinabol pa namin yung order niya kasi baka need nila talaga ng dinner, sabi na din ng rider namin sayang daw yan at i-last order na namin, kahit medyo maambon hahatid daw niya,” saad ng restaurant sa post.
“Hindi na naawa sa mga nag hahanap buhay kahit sa rider na gustong ihatid ang pagkain niya! Si Lord na lang bahala sayo!” dagdag nito.
Matapos mag-viral ang naturang post, nakatanggap ang restaurant ng mga nag-mensahe na bibilhin na lang ang kinanselang order, pero ibinigay na lang daw nila ito sa rider at iba pang tauhan.