Isang sikat na vlogger at social media influencer ang nanganganib na mapaalis ng bansa matapos itong madawit sa pagbebenta at pag-e-endorse ng cosmetic products na walang certification mula sa Food and Drug Administration (FDA).
Kinilala ang Vlogger bilang Winnie Wong, alias Penelope Pop.
Sa isang liham kay Attoney Ronaldo Ledesma, Chairman ng Board of Special Inquiry ng Bureau of Immigration (BI), sinabi ng grupong Action for Consumerism and Transparency (ACTION) na si Wong ay isang Taiwanese na ang totoong pangalan ay Yun-i Wang.
Lumabas din anila ang balita na si Wong ay nakatira Pilipinas gamit ang Special Investors Residence Visa. Ibig sabihin nito, bawal siyang magtrabaho bilang endorser at bawal rin itong magbenta ng retail products, tulad ng cosmetics.
Sa kabila nito, nabuko rin ng FDA na nagbebenta si Wong ng pabango na nagngangalang “Pouf!” nang walang permiso o testing mula sa FDA.
Sinabi rin ng FDA na posibleng naglalaman ang pabango ni Wong ng “heavy metals” na delikado sa kalusugan na gumagamit nito.
Kamakailan ay nagbabala ang FDA sa publiko na huwag bumili ng nasabing produkto.
Nadawit din sa isyu na ito ang aktres na si Toni Gonzaga, dahil kasosyo raw ito ni Wong sa kumpanyang TGWW na nangangasiwa sa pagtitimpla at pagbebenta online ng nabanggit na produkto mula mismo sa bahay ni Wong sa 7 North Park Kawayan Street, Forbes Park, Makati.
Ayon kay Action Secretary General Vito Gaspar Silo, may responsibilidad ang pamahalaan na pangalagaan ang kaligtasan ng consumers at sapat ang expose ng FDA para mai-deport ito pabalik sa Taiwan.