Nakaabot na umano sa Metro Manila ang smog o vog na mula sa bulkang Taal.
Ayon kay Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA Weather Forecaster Aldczar Aurelio, ito’y batay sa direksyon ng hangin na kanilang nakikita mula Batangas papuntang Metro Manila, kagabi nakaabot ang vog o smog sa NCR.
Hindi rin umano halos gumagalaw o kalmado ang hangin kagabi hanggang kaninang madaling araw.
Ito ay dahil sa epekto ng high pressure area.
Pero kaninang mga alas-8:00 ng umaga dahil sa epekto ng sikat ng araw ay unti-unti ng umangat ang vog paitaas sa atmosphere.
Samantala, tatlong lungsod at isang bayan sa Metro Manila ang maituturing na mapanganib ang air quality ngayong araw.
Sa real time ambient air quality monitoring ng Environmental Management Bureau-NCR, maituturing na unhealthy para sa mga sensitive groups ang hangin sa Caloocan, Parañaque at Pateros.
Samantala, very unhealthy naman ang air quality sa lungsod ng Makati.