Volume ng mga sasakyan sa NLEX, SCTEX, maluwag pa; higit 1K tauhan, ipapakalat para sa Holy Week

PHOTO TAKEN: 12:05 MARCH 31, 2023 - NLEX Corporation

Dire-diretso pa ang biyahe ng mga motorista sa kahabaan ng North Luzon Expressway (NLEX) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) ngayong araw.

Sa kabila ito ng inaasahang pagbiyahe ng mga maagang magbabakasyon sa kani-kanilang probinsya para sa Semana Santa.

Ayon kay NLEX Traffic Senior Manager Robin Ignacio, sa hapon ng miyerkules santo pa nila nakikitang dadagsa ang mga motorista tuloy-tuloy hanggang sa Maundy Thursday.


“Kagaya ng dati Miyerkules po ng hapon, Holy Wednesday, normally mga 3 o’clock nagsisimula nang dumami yung dumadaan dito sa NLEX at SCTEX, tuloy-tuloy po yan hanggang early evening. And then, madaling araw pa lang po ng Huwebes hanggang early afternoon, ayan po yung talagang mas marami pa po ang bumabiyahe,” ani Ignacio sa interview ng RMN-DZXL.

“Ina-advise po natin yung ating maglalakbay na kung pwede po na maaari naman na hindi nila sabayan ‘tong pagdagsa na ‘to para naman po hindi talaga matindi ang pagsikip ng daloy dito sa expressway,” dagdag niya.

Kaugnay nito, nagdeploy na ang NLEX ng mahigit 1,000 tauhan upang masigurong magiging maayos ang daloy ng mga sasakyan sa mga expressway.

“So, nakahanda naman po kami dito sa NLEX, SCTEX at yung amin pong deployment ng personnel, mahigit isang libo po ‘to from patrol group, toll tellers, mga traffic traffic marshals po natin ay naka-deploy na po simula ngayong araw hanggang sa April 11 na po para mag-assist sa ating mga kababayang babiyahe,” saad niya.

Facebook Comments