Voter turnout ngayong 2022 election, record-breaking – Comelec

Inaasahan ng Commission on Elections o COMELEC ang record-breaking na turnout ng boto sa ginanap na 2022 national at local elections.

Sa pulong balitaan sa Philippine International Convention Center (PICC) Forum tent, inihayag ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo na nasa 80.38% na ng mahigit 65 million registered voters sa bansa ang naitala nilang bumoto.

Kumpyansa ang Comelec na mas tataas pa ang voter turnout sa oras na matanggap na nila ang lahat ng datos.


Noong 2016 Presidential Elections, nasa 81% ng mga botante ang bumoto, habang mahigit 70% naman noong 2019.

Para naman sa Overseas Absentee Voting, umabot na sa 34.24% ang voter turnout, pero hindi pa ito kumpleto at posibleng mas tumaas pa.

Ang overseas voter turnout ngayong taon ay nahigitan na ang bilang ng bumotong mga overseas Filipinos noong 2016 na nasa 32%.

Habang sa local absentee voting, record breaking din ang voter turnout na umabot na sa 88%.

Hirit ng Comelec, ito na ang pinakamataas mula noong 2010 Presidential Elections.

Facebook Comments