Wednesday, November 11, 2026

VP Duterte, wala umanong business interest sa GenCorp ayon sa testigo ng depensa

Iginiit ng testigo ng defense team na walang kaugnayan si Vice President Sara Duterte sa GenCorp Industries Incorporated, ang isa sa mga kumpanyang umano’y may business interest ang bise at ang mister nitong si Atty. Mans Carpio.

Sa direct examination ni Atty. Justin Nicol Gular ng defense team, sinabi ni GenCorp Industries Corporate Counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay na mula 2022 hanggang 2025 ay walang naitalang stocks o shares at hindi humawak ng anumang posisyon si VP Duterte sa kumpanya.

Hindi rin nakatanggap ng dividends mula sa GenCorp si VP Sara dahil wala namang idineklarang dibidendo ang kompanya mula 2022 hanggang 2025.

Idiniin pa ni Balucanag-Punay na wala ring shares at business interest si VP Duterte sa limang Jollibee branches na ino-operate ng GenCorp Industries.

Gayunman, mayroong “loose investment” si VP Sara sa Jollibee Times Square branch na isa sa mga ino-operate rin ng GenCorp.

Nang matanong naman ni Gular kung nangangahulugan ba na may investment si VP Duterte sa GenCorp Industries dahil sa loose investment sa isa sa mga branches ng fastfood chain na ino-operate ng kompanya, nilinaw ni Balucanag-Punay na hindi ito investment sa buong korporasyon kundi sa partikular na branch lamang sa Times Square.

Facebook Comments