Wednesday, November 11, 2026

Miyembro ng P-Pop girl group, sinuspinde ng LTO ang lisensya dahil sa paggamit ng cellphone habang nagmamaneho

Pinatawan ng Land Transportation Office (LTO) ng 90-araw na preventive suspension sa lisensya ang isang miyembro ng sikat na P-Pop girl group matapos makuhanan ng video na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho.

Sa kumalat na video, makikitang nire-record ng personalidad ang sarili habang nagmamaneho at yumuko pa upang pulutin ang nahulog na cellphone. Nakita rin siyang gumagamit ng dalawang kamay sa paghawak ng cellphone habang umaandar ang sasakyan.

Dahil dito, inisyuhan siya ng show cause order at inatasang humarap sa LTO Central Office sa Quezon City sa Nobyembre 20 upang magpaliwanag. Pinagsusumite rin siya ng kaniyang driver’s license.

Kabilang sa mga posibleng paglabag ang Anti-Distracted Driving Act, reckless driving at pagiging improper person to operate a motor vehicle, na maaaring humantong sa pagbawi ng lisensya.

Binigyang-diin naman ni LTO Chief Markus Lacanilao na walang pinipili ang pagpapatupad ng batas-trapiko, sikat man o ordinaryong motorista.

Facebook Comments