Hindi pa rin personal na nakakapagpulong sina outgoing Vice President Leni Robredo at incoming Vice President Sara Duterte-Carpio, ilang linggo bago pumasok ang bagong administrasyon.
Pero ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, ilang beses nang nakapag-meeting ang kanilang mga staff kung saan napag-usapan ang mga detalye ng transition.
Si Robredo rin mismo aniya ang nagbigay ng walk through tour sa mga staff ni VP-elect Sara sa Quezon City Reception House kung saan din siya mag-o-opisina.
Samantala, sa June 27 ay isasagawa ni Robredo ang kanyang huling General Assembly bilang pinuno ng Office of the Vice President (OVP).
Kinumpirma rin ni Gutierrez na imbitado sa General Assembly si VP-elect Sara.
“Sa 27 magkakaroon ng general assembly ang OVP, huling general assembly sa ilalim ng pamumuno ni VP Leni. At sa aking pagkakaalam, nag-extend na ng imbitasyon kay VP-elect Sara na mag-attend kung kanyang gugustuhin,” ani Gutierrez.
“So maayos naman ang koordinasyon, maayos ang pag-uusap. Smooth naman ang ating nagiging transition at ‘yan naman ang ating talagang pakay dito sa puntong ito at handang-handa na para sa pagpapalit ng pamumuno sa noon ng June 30,” dagdag niya.
Samantala, una nang nagpasabi ang kampo ni Robredo na hindi siya makakadalo sa inagurasyon ni VP-elect Sara ngayong araw, June 19.
Ito ay dahil may nauna nang commitment si Robredo sa Naga City bago pa man dumating ang imbitasyon ng susunod na bise presidente.