Hindi lamang sa gitna ng banta ng pandemya, kundi pati sa sakuna nangunguna si Vice President Leni Robredo sa pagresponde sa pangangailangang mga pamilyang Pilipino.
Madaling araw ng Martes, abalang-abala si VP Leni sa pagko-coordinate ng mga rescue teams para sa mga pamilyang nasalanta ng baha dulot ng Bagyong Maring sa mga probinsya sa Northern Luzon, kabilang ang Cagayan, Isabela, Benguet, at La Union.
Aktibo ring sumasagot si VP Leni sa mga residenteng nanghihingi ng saklolo, gayundin sa netizens na handang ipahiram ang kanilang rubber boats para ma-rescue ang mga binaha.
Kaya naman agad na nakapagpadala ng relief at rescue teams ang kampo ni Robredo sa mga probinsya sa Norte para sumaklolo sa mga biktima ng bagyo roon.
Bagama’t kilalang balwarte ng mga Marcos, laging handa si Robredo na magbigay ng suporta para sa mga residente sa Norte. Bago nito, nanguna rin si VP Leni sa pakikipag-ugnayan sa pulis at militar para ma-rescue ang mga residenteng naapektuhan ng matinding baha matapos manalanta ang Bagyong Ulysses noong Nobyembre 2020.
Matapos magpadala ng kaniyang team, bumisita din si Robredo sa Cagayan at Isabela para personal na tingnan ang sitwasyon ng mga residente doon matapos ang bagyo.
Bukod sa relief at rescue operations para sa mga probinsya sa Norte, nadala rin ni VP Leni ang kaniyang Swab Cab o libreng COVID-19 testing para sa mga residente ng Cagayan province noong tumaas ang kaso ng virus sa lugar.