Patuloy na umaarangkada si Vice President Leni Robredo sa mga survey sa pagkapangulo habang papalapit ang halalan sa Mayo.
Matapos umangat ng siyam na puntos sa huling survey ng Pulse Asia mula Marso 17 hanggang 21, nakakuha naman si Robredo ng 30 porsiyentong rating sa survey na ginawa ng independent university academics mula Marso 22 hanggang Abril 1.
Ayon kay TruthWatch President at UP Professorial Lecturer Dr. Dante Velasco, ginamit sa survey ang sample size na 2,505 respondents at gumamit ng random sampling na may margin of error na plus o minus 3.
Ang resulta ay inilabas ng Truth Watch Philippines Inc. matapos ang sampung araw na survey na ginawa sa buong bansa ng katuwang nito na Mobile Integrated Survey Research Inc.
Ang survey ay ginawa sa National Capital Region, Luzon, Visayas, at Mindanao.
Ang TruthWatch ay itinatag ng mga beteranong survey specialists, research at communication professors, dating pampublikong opisyal at social development advocates.
Ginawa ang survey bilang tugon sa pangangailangang bigyan ang mga Pilipino ng mas bagong impormasyon ukol sa kanilang nais na kandidato sa darating na halalan.