Iginiit ng ilang kaalyado ni Vice President Leni Robredo sa Kamara na hindi siya dapat gawing bulag ng Philippine National Police (PNP) at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa bagong papel nito bilang anti-drug czar ng bansa.
Ito ay kasunod ng banta ni Pangulong Duterte na sisibakin sa Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD) si VP Robredo kapag ibinahagi nito ang mga classified information sa foreign investigation.
Giit ni Albay Representative Edcel Lagman, hindi na kailangan pang pagbantaan ni Pangulong Duterte si Robredo dahil batid ng Bise Presidente na hindi dapat isapubliko o ibahagi ang mga “state secrets” dahil ito ay magiging banta sa national security.
Kasabay nito ay kinuwestyon ni Lagman kung bakit naging confidential na ngayon ang listahan ng high profile traders at users gayundin ang records ng war on drugs.
Ipinagtataka pa ng kongresista na kung sikreto pala ito ay bakit mismong si Pangulong Duterte pa ang naglalabas ng mga pangalan ng high profile suspects na nasa narcolist gaya ng mga pulitiko, negosyante, heneral, at mga opisyal ng PNP.
Binigyang diin pa nito na ang paggawa ng mga polisiya sa kampanya kontra ilegal na droga ay dapat ibase sa datos at ebidensya dahilan kaya hinihingi ni VP Robredo ang listahan ng mga high value targets kaugnay sa iligal na droga.