Pinabulaanan ni Vice President Leni Robredo ang di umano’y sabwatan kay Senador Antonio Trillanes para mapatalsik sa puwesto si Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa press conference ng PNP kanina, sinabi ni Peter Joemel Advincula o umaming “Bikoy” na gusto ni Trillanes umupo bilang Presidente si Robredo bago dumating ang Hunyo 30 para italaga siya na Bise-Presidente ng bansa.
Nilinaw ni Robredo ang dahilan ng pagkikita nila noon ni Trillanes. Aniya, pinag-uusapan nila ang senatorial bid at kampanya ng Otso Diretso.
“Pumunta siya dito sa opisina. Ang purpose niya sa pagpunta is to present the internal survey ng Magdalo para magamit ‘yung survey sa pag-strategize sa campaign,” pahayag ni Robredo.
“Other than that, in all of our meetings, walang mention about destabilization, walang mention ng pagpapabagsak sa gobyerno, walang mention kay Bikoy, lahat ng usapan tungkol sa kampaniya,” dagdag pa niya.
Taong 2016 sinasangkot na si Robredo sa planong destabilization plot laban kay Duterte. Mariin niyang tinatanggi ang mga alegasyon.
“I will never be part of any destabilization. Yung pagpasok sa presidency ay destiny iyon. Hindi siya naplaplano, hindi siya naploplot. Waste of time para pabagsakin yung administrasyon at sa tingin ko subversion yun sa will ng mamamayan.”
Panatag ang loob ng Bise Presidente na humarap sa kahit anong imbestigasyon.
“Kung ito ay harassment, kung ito ay ginagawang paraan para lalong yurakan at tapakan kaming mga nasa oposisyon, gusto ko lang sabihin na hindi ito magiging dahilan para huminto tayo, para tumigil tayo sa pag pupuna kung may kailangan punahin,” she said.
Ayon pa kay Robredo, walang katotoohanang pumunta siya sa production meeting ng “Ang Totoong Narcolist” na ginanap sa Ateneo de Manila University.
“Walang any political meeting o event na nangyari sa Ateneo.”
Pinag-aaralan ng kampo ni Robredo na magsampa ng kaso laban kay Advincula.
Panoorin ang kabuuan ng kanyang talumpati:
‘