VP Leni Robredo: Pagtugon sa COVID-19, dapat tutukan kaysa sa Cha-cha

Umapela si Vice President Leni Robredo sa pamahalaan na tutukan muna ang pagtugon sa COVID-19.

Kasunod ito ng pagsusulong ngayon ng League of Municipality of the Philippines (LMP) sa Charter Change (Cha-cha) na layong mapalaki ang alokasyon ng pondo sa mga local government unit at maalis ang restriction sa foreign investments.

Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na sa halip na Cha-cha, dapat atupagin ng gobyerno ang mga hakbang na tutugon sa kinahaharap na krisis ngayon ng bansa bunsod ng COVID-19.


“Ang dami nating pinagkakaabalahan, Anti-Terror, pagpapasara ng ABS-CBN, na hindi naman ito ang sumasagot sa pagpahinto sa COVID. Sana ang tingnan natin yung COVID-19 kasi ang dami nang naghirap dahil d’yan, ang dami nang trabahong nawala, ang dami nang negosyong nagsasara,” ani Robredo.

Aniya, walang masamang pag-usapan ang Cha-cha pero hindi tama sa panahong ito.

“Yung gagastusin natin para sa Charter Change sana gastusin na lang natin sa testing kits, sa pagtulong sa mga ospital na ngayon ay isa-isa nang napupuno. Sana yun yung asikasuhin,” dagdag pa ni Robredo.

Kaugnay nito, iminungkahi ng Bise Presidente na magtalaga ng representasyon sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang liga ng barangay, municipalidad, lungsod at probinsya para magkaroon ng boses ang mga lokal na pamahalaan sa pagsusulong ng mga hakbang laban sa COVID-19.

Facebook Comments