VP Robredo, hayaang patunayan muna ang sarili sa paglaban sa illegal drugs

Manila, Philippines – Hinikayat ni Cavite Representative Elpidio Barzaga ang publiko na bigyan ng pagkakataon si Vice President Leni Robredo na patunayan ang sarili sa kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.

Ayon kay Barzaga, mismo si Pangulong Duterte ang nagbigay pahintulot para maipakita ni VP Robredo ang kanyang kakayahan na siya namang tinanggap ng ikalawang Pangulo.

Magandang simbolo aniya ang pagtutulungan ng Pangulo at Bise Presidente dahil sa pagkakaisang sugpuin ang isa sa pangunahing problema sa bansa.


Paliwanag pa nito, sakaling magtagumpay o mabigo ang paglaban sa droga ay hindi ito maituturing na tagumpay at kapalpakan nila Duterte at Robredo kundi ng buong bayan at ng mga Pilipino.

Para maging mabisa ang mga gagawing hakbang ng gobyerno ay kakailanganin din ni Robredo ang suporta ng Kongreso sa pamamagitan ng mga ipapasang batas at dagdag na pondo para sa Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).

Bukod dito, kakailanganin din ang suporta ng Judiciary sa pamamagitan ng pagsasaayos sa ating criminal justice system at tiyaking mapapanagot ang mga mapapatunayang lider o utak ng mga big time drug syndicates.

Facebook Comments