Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang Pamahalaan na magsagawa ng swab testing sa Locally Stranded Individuals (LSIs) bago sila pauwiin sa kanilang mga probinsya para maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa mga probinsya dahil sa kakulangan ng Polymerase Chain Reaction (PCR) – based testing sa mga LSIs.
Aniya, karamihan sa mga LSI ay hindi nagpapakita ng sintomas o asymptomatic.
Ang 10 milyong testing kits na binili ng Department of Budget and Management (DBM) ay dapat gamitin sa mga LSI.
Dapat iprayoridad ang pagte-test sa mga LSI bago gawin ang special session ng Kongreso para sa pagpasa ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Sa ngayon, tanging negatibong rapid test ang kailangan sa mga LSI para makauwi.
Paliwanag ng Department of Health (DOH), ang rapid test ay maaaring maglabas ng resultang false positive o false negative habang itinuturing na “gold standard” ang PCR test.
Una nang sinabi ng DOH na huwag isisi sa mga LSI ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga probinsya.