Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang pamahalaan na mag-invest pa sa agrikultura para matiyak na ang kasalukuyang health crisis at hindi mauwi sa food crisis.
Ito ang panawagan ni Robredo kasabay ng AgriCOOPh Virtual Partnership at 2nd General Assembly kung saan siya ay keynote speaker kung saan nagbigay siya ng mga suhestyon kung paano maitataas ang investments sa mga lugar na mapapakinabangan ng agriculture sector – partikular sa technology at farm-to-market infrastructure.
Ayon kay Robredo, kailangang maitaas ang food production upang maiwasan ang supply shortage at maitatag ang presyo ng pagkain.
“May mga bagay na talagang gobyerno lang ang may pondo na malaki at makinaryang magsulong,” ani Robredo.
Dagdag pa ni Robredo, nangangailangan din ng suporta ang mga magsasaka, mangingisda at livestock farmers pagdating sa farm-to-market roads, shared services at cold storage facilities.
Dapat ding mabigyan ng access ang mga nasa agricultural sector sa teknolohiya para ma-modernize ang kanilang operasyon.
Ang mga komunidad at negosyo ay hinihikayat na suportahan ang mga lokal na magsasaka.
“This would be easy if spaces will be open where they can do business, especially given the current situation—from putting up local community markets to launching online marketplaces,” dagdag pa ni Robredo.
Sa kabila ng COVID-19 pandemic, binanggit ni Robredo na nagawa pa rin ng agricultural sector na lumago sa 1.6% para sa ikalawang kwarter ng taon.