Hinimok ni Vice President Leni Robredo ang publiko na magtiwala sa mga bakunang inaaprubahan ng Food and Drug Administration (FDA) saanmang bansa ito nanggaling.
Ayon kay Robredo, tiwala siyang hindi mag-aapruba ang FDA ng bakunang hindi ligtas para sa mga tao.
“Kailangan tayong magtiwala sa FDA kasi hindi naman yun sa kung saan galing e. Pero alam natin na yung FDA hindi siya mag-a-approve ng kahit anong bakuna na hindi siya sigurado kung mabuti para sa’tin. So para sa’kin, kung FDA approved kelangan walang pangamba,” saad ni Robredo.
“Pero sana, again, hindi maging propaganda yung pagdating sa bakuna. Kasi ngayon, Ka Ely, kung ano-ano naiisip ng tao,” dagdag pa niya.
Dagdag pa ng Bise Presidente, hindi mabubuksan nang tuluyan ang ekonomiya ng bansa kung hindi mawawala ang pangamba ng mga tao sa bakuna.
Naniniwala rin si Robredo na magsisilbing ‘game changer’ ang bakuna para tuluyang makontrol ang pagkalat ng kaso COVID-19 sa bansa.
“Ang reality, hanggang hindi natin naaampat yung transmission, hindi tayo mag-i-improve. Kung mayroon mang improvement, paunti-unti. Yung sikreto talaga nito, makontrol yung transmission, magkaroon na tayo ng bakuna, eto yung magiging game changer. Pero kahit anong effort natin na ayusin na yung ekonomiya, kapag ang tao nangangamba, nakikita natin yun sa figures na bagsak yung demand,” paliwanag niya.
Ayon pa kay Robredo, hangga’t hindi nakokontrol ang pagkalat ng virus, mananatiling extended ang community quarantine sa bansa.