Maraming nasayang na oportunidad na maaari sanang nagamit ng pamahalan bago sinimulan ang COVID-19 vaccination program.
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Vice President Leni Robredo na hindi nakapaghanda nang maayos ang gobyerno lalo na at inaasahan ang pagdating ng mga bakuna.
Aniya, nasa dalawang milyong bakuna pa lamang ang dumating pero hindi pa ito nauubos.
Kapag ganito aniya ang usad ng vaccination program, mahihirapan ang pamahalaan na maabot ang herd immunity sa Disyembre.
Maraming Local Government Units (LGU) ang gumagamit ng online registration, pero hindi lahat ay alam kung paano sumunod dito.
Sa halip, iminungkahi ni Robredo na ilaan ang ilang COVID-19 vaccines para sa online registration habang ang Barangay Health Emergency Reponse Teams (BHERTs) ay maaaring magbahay-bahay para himukin ang mga komunidad na magpabakuna.
May mga ospital na hindi pa nauubos ang kanilang bakuna dahil maraming tao ang tumatangging magpabakuna.
Ang Department of Health (DOH) ay pwedeng magkaroon ng master list para maiwasan ang mga sumisingit sa pila ng mga babakunahan.