Mariing itinanggi ni Vice President Leni Robredo na dawit sa anumang pagtatangka para sirain at patalsikin si Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay sa gitna ng pagsampa ng PNP ng sedition case laban sa kanya dahil sa umano’y pagkakasangkot sa “Ang Totoong Narco-list Videos.”
Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, iginiit ni Robredo na hindi sila bobo para gumawa ng mga ganitong hakbang.
Taliwas sa mga sinasabi ni Peter Joemel alyas “Bikoy” Advincula na ang Liberal Party ang nasa likod ng mga video, tugon ni Robredo, hindi mag-aaksaya ng panahon ang oposisyon sa paggawa ng mga ganitong video series.
Naguguluhan din si Robredo sa isinampang sedition case ng PNP laban sa kanila.
Umaasa ang bise presidente na ang ginawang hakbang ng PNP ay hindi makakasira sa kredibilidad ng institusyon.
Sa kabila ng mga alegasyon, sinabi ni Robredo na dadalo siya sa ika-apat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte.