VP Robredo, malabnaw sa panukalang “brand agnostic vaccination policy”

Karapatan ng publiko na magdesisyong magpaturok ng brand ng bakuna na pinagkakatiwalaan nila.

Ito ang pahayag ni Vice President Leni Robredo sa gitna ng pagpapatupad ng pamahalaan ng “brand agnostic vaccination policy”.

Ayon kay Robredo, nauunawaan niya ang dahilan sa likod ng panukala pero nangangamba siyang sa halip na mapabalis ang pagbabakuna ay lalong hindi magparehistro ang mga tao kung hindi nila alam ang brand ng bakunang ituturok sa kanila.


“Ako, naiitindihan ko kung bakit may panukalang ganito pero yung takot ko kasi baka baligtad yung maging resulta,” ani Robredo sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila.

“Kasi halimbawa meron silang pag-aalinlangan sa isang brand, pag hindi nila alam yung ano yung ituturok baka lalo silang hindi mag-register, yun yung aking worry,” dagdag niya.

Para kay Robredo, hindi solusyon ang paglilihim sa brand ng COVID-19 vaccines sa halip ay dapat na maghanap ng ibang paraan para mapalakas ang kumpiyansa ng mga tao sa bakuna.

Samantala, nauunawaan din ng Bise Presidente kung bakit may ilan na mas nais magpaturok ng bakuna ng Pfizer.

“Kasi, na-communicate sa kanila na effective ito. So para sa’kin, ang challenge, papano ba natin mako-communite sa tao na kasing effective din nito, or pwedeng hindi ganon kataas yung efficacy pero ano ba yung use ng pagbabakuna nito. Pero hindi pwede na walang informed consent kasi katawan natin ito e, hindi pwedeng sapilitan.”

Facebook Comments