Maaaring mauna si Vice President Leni Robredo sa mga unang makatatanggap ng Sinovac vaccines kung siya ay nagmamadali.
Ito ang iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte matapos ihayag ni Robredo na dapat ang Pangulo ang dapat manguna sa immunization program laban sa COVID-19 para mapawi ang pangamba ng publiko sa bakuna.
Ayon kay Pangulong Duterte, kailangan niyang hintayin ang go-signal mula sa kanyang doktor.
Aniya, pwede namang mauna si Robredo sa pila ng mga makatatanggap ng bakuna.
Katwiran pa ng Pangulo, handa naman siyang magpaturok ng Sinovac vaccines pero hindi kasi ito inirerekomenda sa mga mayroong edad 59-anyos pataas.
Hihintayin ng kanyang doktor ang isa pang brand ng bakuna na maaaring iturok sa kanya.
Si Pangulong Duterte ay tutuntong na sa edad 76 sa March 28.
Una nang sinabi ng Malacañang na maaaring makwalipika si Robredo na tumanggap ng bakuna dahil sa kanyang edad na 55 at kung pahihintulutan ito ng Department of Health (DOH) at ng National Task Force against COVID-19.