Umapela si Vice President Leni Robredo sa mga Pilipino lalo na sa kanyang mga tagasuporta na isantabi ang galit at poot at tumulong sa pagresolba ng mga isyung kinahaharap ng bansa.
Ito ang pahayag ng Bise Presidente matapos ibasura ng Supreme Court na nagsisilbing Presidential Electoral Tribunal ang poll protest ni dating Senator Bongbong Marcos.
Ayon kay Robredo, dapat isantabi ang anumang hindi pagkakaunawaan at mga pagtatalo dahil maraming tao ang nangangailangan ng tulong sa panahong ito.
Aniya, halos limang taon nilang hinintay ang naging desisyon ng PET kaya nanamnamin niya ito.
Sinabi rin ni Robredo na darating ang oras na kailangan niyang isipin ang magiging plano niya para sa susunod na taon.
Pinasalamatan ni Robredo ang kanyang mga staff ng Office of the Vice President (OVP) sa kanilang sakripisyo kahit marami ang kumukwestyon sa kanyang mandato bilang Bise Presidente.
Nagpasalamat din si Robredo sa PET at binigyang diin ang kanyang pagtitiwala sa proseso at integridad ng mga mahistrado.