VP Robredo, pabor sa panukalang i-extend ang GCQ sa NCR Plus bubble

Pabor si Vice President Leni Robredo sa panukala ng mga doktor na palawigin pa ang General Community Quarantine sa NCR Plus bubble.

Sa Biserbisyong Leni sa RMN Manila… sinabi ni Robredo na mahalagang laging ikonsidera ang suhestiyon ng mga health expert dahil sila ang tumututok sa bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

“Tama naman yun kasi mahirap talaga kapag nag-surge e. Hindi siya parang gripo na kapag sinara mo, sarado kaagad. Mahaba yung time na kailangan bago siya mapababa,” ani Robredo.


“So sa’kin, yung pagdesisyon sana parating tine-take into consideration yung suggestions ng mga experts kasi sila naman yung nakakaalam e,” dagdag niya.

Samantala, walang nakikitang problema ang bise presidente sa pagbababa ng bilang ng dapat mabakunahan sa bansa sa 50 hanggang 60 milyong indibidwal mula sa dating 70 milyon.

Kaugnay ito ng target ng pamahalaan na makamit ang population protection pagsapit ng Nobyembre sa halip ng herd immunity.

Pero ayon kay Robredo, bagama’t mas realistic ang numero, mas magiging mabilis pa rin ang aksyon ng gobyerno kung mataas ang target nito.

“Wala naman tayong talo kung mas mataas yung targets natin kasi at least yun yung ita-try nating i-achieve. Para sa’kin, sana mag-aim high pa rin tayo” saad niya.

Facebook Comments