Manila, Philippines – Pinayuhan ni House Committee on Dangerous Drugs Chairman Robert Ace Barbers si Vice President Leni Robredo na huwag masamain na hindi ibinibigay sa kanya ang listahan ng mga high-value targets sa iligal na droga.
Paliwanag ni Barbers, dapat na maging maingat sa ganitong mga sensitibong impormasyon si VP Robredo bilang Co-Chairperson ng Inter-agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Naniniwala din ang kongresista na hindi na kailangang bigyan ng kopya ng listahan si VP Robredo dahil maaaring mapunta ang impormasyon sa mga maling tao.
Dapat aniyang irespeto ito ng Bise Presidente dahil standard operating procedure sa law enforcement operations ang confidentiality ng listahan.
Ipinunto pa nito na kahit si PDEA Director Aaron Aquino ay walang hawak na listahan ng mga high value targets at inaalam lamang ito kung may update.