Wala pa sa agenda para sa susunod na cabinet meeting sa Disyembre ang war on drugs campaign ng gobyerno.
Dahil dito, sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles na posibleng hindi pa maimbitahan sa gagawing cabinet meeting si VP President at Inter Agency Committee on Anti Illegal Drugs Co Chair Leni Robredo.
Paliwanag ni Nograles wala siyang alam sa ngayon na may papel nang nagsasabing cabinet member na si VP Robredo, at kailangan muna niya itong makumpirma.
Batay kasi sa memorandum para sa mga idaraos na cabinet meetings sa malakanyang, tanging mga regular na miyembro lamang ng gabinete ang palaging pinadadalo sa pagpupulong.
Maliban na lamang kung may pangangailangang ipatawag din ang iba pang opisyal ng gobyerno na hindi miyembro ng gabinete pero kailangang magpresinta ng kanilang mga trabaho sa hinahawakan nilang opisina.
Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi niya itinalaga si VP Robredo bilang cabinet secretary, kundi bilang co chairman ng ICAD.