
Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte ang natanggap niyang aniya’y “disturbing information” mula sa Malacañang hinggil sa report tungkol kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na isinumite kay Pangulong Bongbong Marcos ng Philippine Embassy sa The Hague.
Ayon kay Vice President Duterte, ang mga opisyal ng embahada ay pumasok sa detention unit ng dating Pangulong Duterte at nagpanggap na magsasagawa ng “welfare check” ngunit nagsagawa ng interview kay FPRRD.
Iginiit ni Duterte na ang ginawa ng naturang mga opisyal ng Philippine Embassy ay malinaw na pag-abuso sa panuntunan ng detention unit hinggil sa consular visits.
Sinabi rin ng pangalawang pangulo na nalalagay ngayon sa peligro ang seguridad ng dating pangulo dahil sa pagpapahintulot ng International Criminal Court (ICC) na makapasok sa detention units ang mga ahente ng pamahalaan na nasa likod umano ng pagdukot sa kanya.
Ito ay dahil wala umanong permiso ng pamilya Duterte ang pagpasok ng naturang mga opisyal.
Bunga nito, sinabi ni Duterte na dapat maghanda ng sagot ang ICC at ang gobyerno ng Pilipinas kapag may masamang nangyari sa dating pangulo sa loob ng detention unit, lalo na kung ito ay mamatay doon.
Dagdag pa niya, dapat alalahanin ni Pangulong Marcos na maraming nakakulong na Overseas Filipino Workers (OFWs) sa buong mundo ang kahit minsan ay hindi nadadalaw ng Philippine government para kamustahin ang kanilang kalagayan sa piitan.
Mas kailangan aniya ng distressed at abandonadong OFWs ang madalaw ng mga opisyal ng gobyerno sa kulungan kaysa kay dating Pangulong Duterte.









