VP Sara Duterte: OVP, kayang mabuhay na wala ang confidential fund

Iginiit ni Vice President Sara Duterte na kayang mabuhay ng Office of the President (OVP) kahit wala ang confidential funds.

Ito ang binigyang diin ni VP Duterte sa pagdinig ng Senado sa P2.385 billion na 2024 budget ng OVP kung saan binusisi at pinalilinaw ni Senator Risa Hontiveros ang paggagamitan ng panukalang P500 million confidential funds ng tanggapan ng bise presidente.

Ayon kay VP Duterte, maaari lamang magpanukala ng paggagamitan ng hinihinging confidential fund ang OVP batay sa nakasaad sa Department of Budget and Management (DBM) joint circular 2015-01 pero ang desisyon at discretion kung ibibigay ang pondo sa OVP ay nakadepende pa rin sa Kongreso bilang sila ang may ‘power of the purse’.


Paglilinaw pa ni VP Duterte, hindi nila ipinipilit na ibigay sa kanila ng Kongreso ang nasabing pondo sabay sabi na kaya namang mabuhay ng OVP na wala ang confidential funds.

Pero, bumawi naman ang bise presidente sa pahayag at iginiit na mas mapapadali ang kanilang trabaho kung mayroon silang confidential fund para mabantayan ang ligtas, tiyak at matagumpay na implementasyon ng mga programa, proyekto at aktibidad ng OVP.

Patungkol naman sa pagkakaroon ng OVP ng mahigit 400 Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG), sinabi ni VP Duterte na mas mapapabilis ang kanilang paggalaw dahil hindi na sila dedepende pa sa ibang ahensya pagdating sa mga banta at pagtiyak ng seguridad para sa pagpapatupad ng mga programa, proyekto at maging sa engagements ng kanyang opisina.

Facebook Comments