‘Wag Guluhin ang Bayan Ko’ – Mayor Edgar Go

*Cauayan City, **Isabela-* Ibinulalas ni Mayor Edgar Go ng bayan ng San Mariano, Isabela ang kanyang saloobin hinggil sa mistulang panggugulo umano ng ilang mga progresibong grupo na nagsagawa ng Fact Finding Mission sa naturang lugar kaugnay sa umano’y pang-aabuso ng kasundaluhan ng 95th Infantry Battalion na naka base sa kanyang nasasakupan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Go, hindi aniya totoo ang mga paratang ng grupo ng Gabriela, Dagami, KMP at iba pang grupo na nagsagawa ng imbestigasyon sa pangunguna ni Congressman Arlene Brosas ng Gabriela Partylist hinggil sa pang-aabuso ng militar sa ilang mga barangay sa kanyang bayan at walang basehan dahil wala umanong makakapag patunay hinggil dito.

Dagdag pa nito, kinausap na mismo nito ang mga opisyal ng Barangay Galangan, Del Pilar at Dibuluan kung saan may mga report di umano ng karahasan ng mga militar subalit itinanggi ng mga opisyal at mamamayan ang naturang alegasyon laban sa mga sundalo.


Hindi rin umano malinaw kung tunay na mga sundalo ang mga nanggugulo sa naturang mga lugar at walang katotohanan ang mga ito.

Bilang Ama ng bayan ng San Mariano ay alam aniya nito ang lahat ng mga nangyayari sa kanyang nasasakupan lalo na kung mayroon man naitatalang pang-aabuso.

Dahil dito ay nais ni Mayor Go na ideklarang Persona Non Grata ang tumatayong lider ng Danggayan Dagiti Mannalon Isabela na si Cita Managuelod at ilang pang grupo ng mga militanteng pangkat na nagtungo sa kanyang bayan upang magsagawa ng pagsisiyasat sa mga pang aabuso di umano ng mga sundalo dahil mistulang ginugulo lamang ng mga nasabing organisasyon ang kanyang bayan.

Nililinlang lang din aniya ng mga nasabing grupo ang mga mamayan nito upang mahikayat na umaklas na sa pamahalaan na hinding-hindi naman umano papayagang mangyari ng naturang alkalde.

Facebook Comments