Pagkakapatay kay Mayor Halili ng Tanauan Batangas, hindi pa dapat iugnay sa pagkakasama nito sa drug list

Batangas – Binigyang diin ng Palasyo ng Malacañang na hindi dapat husgahan agad ang napatay na Mayor ng Tanauan Batangas na si Antonio Halili.

Matatandaan na kaninang umaga ay binaril si Halili habang pinangungunahan nito ang flag raising ceremony sa harap ng kanilang Munisipyo at kabilang ang Alkalde sa tinatawag na Narco List.

Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi nila alam ngayon ang tunay na dahilan kung bakit napatay si Mayor Halili.


Nakilala aniya ito dahil sa kanyang shame campaign laban sa drug pushers pero natanggalan din naman aniya ito ng kapangyarihan ng National Police Commission o NAPOLCOM sa lokal na PNP.

Sinabi ni Roque na hindi niya alam kung ano ang relasyon ng pagkakasangkot ni Mayor Halili sa Drug list at sa pagpatay dito.

Sinabi ni Roque na sa ngayon ay walang basehan ang pagbibigay ng conclusion na kaya napatay si Halili ay dahil sa pagkakabilang nito sa Drug List dahil wala pang resulta ang ginagawang imbestigasyon sa pagpatay kaya mas magandang hintayin nalang ito.

Facebook Comments